Saturday, August 18, 2007

Sapat na ba ang Republic Act No. 9372 Human Security Act (HAS) o Anti-Terrorism Law sa ating kaligtasan laban sa terrorista o ito ay may ibang motibo?

ni: Kim Share


Ano nga ba ang Human Security Act (HSA) o kilala ring Republic Act No. 9372? Noong Marso 6, 2007, pinirmahan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Human Security Act 2007 at nagkaroon ng pagtitipon ukol dito. Ito ay naging opisyal na batas nang aprubahan ito ni Arroyo at naging epektibo nung Hulyo 15, 2007. Sinabi na itong batas ang siyang liligtas sa mga mamamayan laban sa mga terrorista sa ating bansa tulad ng Abu Sayyaf na kilalang kilala na terrorista sa ating bansa, Al-Qaeda, Moro Islamic Liberation Front at marami pang iba. Marami na ang naging biktima at dinakip ng iba’t ibang grupo ng terrorista tulad nila Angelito Nayan, Angelito dela Cruz, Gracia Burnham, Martin Burnham (namatay dahil sa pagdakip sa kanya ng Abu Sayyf), at si Father Giancarlo Bossi. Marami ang nasawi at nagdusa dahil sa mga terrorista. Sapat na ba ang Human Security Act? Hakbang ba ito para mabawasan na ang krimen sa ating bansa o sadyang hakbang ni Arroyo patungo sa Martial Law?


Maraming tanong ang lumabas ng isakatuparan itong batas sa ating bansa. Marami nagsasabi na ito ba ay isang paraan ni Arroyo patungong Martial Law dahil kontrol niya ang lahat ng tao gamit ang batas na ito. Marami ang isinaad sa R.A no. 9372 na nagbigay daan sa konklusyon na ito.


Isinaad sa R.A. 9372 Seksyon 2 na ang layunin ng batas na ito ay bigyan ng kapayapaan at kaligtasan ang mga mamamayan sa mga terrorista. Ang mga terrorista ay ang mga grupo na siyang gumugulo, nakakasakit at gumagawa ng krimen na laban sa batas at tao. Ito ay ang naging klasipikasyon ng terrorista. Sa Seksyon 3 nakasaad ang mga klasipikasyon ng isang terrorista tulad ng paglabag sa batas ng Pilipinas tulad ng Article 122 (Piracy in General and Mutiny in the High Seas or in the Philippine Waters), Article 134 (Rebellion or Insurrection), Article 134-a (Coup d’état), atbp. Kung may mga aksyon na may implikasyon na panakot sa mga mamamayan ay siyang mapapatawan na terrorista at makukulong sa loob ng 40 na taon. Sa Seksyon 5 nakasaad na ang mga tao na sangkot sa operasyon na terrorismo ay mapapatawan ng kaparusahan at makukulong 17 taon 4 buwan at 1 araw hanggang 20 taon. Sinabi ng Seksyon 7 na sa pahintulot ng pamahalaan maaari magsagawa ang pulis o law enforcement ng wiretapping gamit ng mga elektronik na device sa mga usapan ng mga grupo ng terrorista (Abu Sayyaf atbp) at sa mga sinususpektang terrorista. May exception na bawal i-wiretap ang usapan pagitan ng abogado at kliyente, doktor at pasyente at journalist at source. Seksyon 18 sinasabi na kung may suspek sa terrorismo ay maaaring huliin na ng pulis or law enforcement na walang warrant of arrest. Ang magiging suspek ay ma-detain sa loob ng 3 araw habang iniimbistiga ang kaso ng suspek. Kung napatunayan na walang sala ang suspek ay mabibigyan ng $1000 bawat araw ng detention.


Makikita natin sa R.A. 9372 ang mga bagong paraan ng ating pamahalaan sa terrorista. Masasabi ba natin na tama ang naging klasipikasyon ng pamahalaan sa terrorismo? Ang simpleng pananakot ay masasabi na bang isang terrorismo? Kinatatakutan ng mga tao ang batas na ito dahil sa marami nagrally sa ating bansa laban sa ating pangulo. Ang mga rally dito sa Pilipinas ay pinatatamaan ang maling pamamalakad ng ating pangulo at ipinapakita nila ang kanilang saloobin sa mga pangyayari na nagaganap sa ating bansa. Maaari silang patawan bilang terrorista sa mga welga dahil sila ay lumalaban sa pamahalaan at nagkakagulo. Maaari silang mahuli dahil sa welgang isinigawa ng mga rallista dahil sa panggugulo na ginagawa nila sa pamahalaan. Sinabi rin sa batas na kung ano mang kasangkutan sa grupo ng terrorista ay mapapatawan na rin ng kaso. Ayon sa aming nakapanayam na si Athena, nagkaroon ng isyu na ang reporter ng ABS-CBN na si Julius Babao ay isang terrorista dahil sa pakikipagpanayam niya sa isang taga- Abu Sayyaf. Nasabi na terrorista ang aksyon ni Babao dahil sa pagkakaroon ng impormasyon sa mga terrorista. Masasabi na ba na terrorista si Babao kung nakipagpanayam lamang siya sa Abu Sayyaf? Paano kung ang tanging layunin ng reporter ay ipaalam sa mga tao kung ano ang pananaw ng isang Abu Sayyaf? Ito ay confidential na sa station kung ano man ang nalalaman nila ukol sa Abu Sayyaf kaya nagkaroon isyu dito dahil tingin ng pamahalaan ay kinakampihan ng reporter ang grupo.


Ang pagkakaroon ng kapangyarihan ng wiretapping ng pamahalaan ay karapatdapat ba? Paraan ito ng ating pamahalaan upang malaman ang bawat galaw ng terrorista. Maaaring gamitin ito ng pamahalaan sa kahit sinong tao na hinihinalaan ng gobyerno. Mapapansin natin na ang proseso na ito ay pabor sa gobyerno kung sino man ang may laban sa gobyerno. Masasabi ba natin na Martial Law ito? Nung panahon ng Martial Law, hindi pwede magsalita ng masasamang bagay ang mga tao tungkol sa gobyerno kaya nababantayan ang bawat galaw. Sa R.A. 9372, makikita natin na maaari magkaroon ng pagbantay sa mga usapan ng mga tao kung may laban man sa gobyerno o sa lipunan.


Papayag ba kayo na huhuliin kayo basta basta kahit walang warrant of arrest? Maaari huliin ng pulis kung sino man ang hinihinalaan nilang terrorista. Madaya ito sa mga taong mahuhuli ng pulis. Sasailalim ka pa ng detention kung ikaw ay mahuli ng pulis. Iimbistigahan ka pa ng pulis sa mga galaw mo upang mapatunayan na terrorista ka. May nagsasabi na paraan ito ni Arroyo na gamitin laban sa mga kanyang kaaway o oposisyon dahil may kapangayarihan siyang ipahuli kung sino man.


Makatarungan nga ba ito? Marami usapin laban sa batas na ito. Sana ang batas na ito ay makakaligtas nga sa mga mamamayan laban sa terrorista at sana ang batas ay gamitin sa tamang paraan hindi sa pagkontrol sa mga galaw ng iba’t ibang tao.

No comments: