Sunday, August 19, 2007

Pagtalakay sa mga isyung hinggil sa Republic Act No. 9372

Ang Republic Act No. 9372 na tinatawag na Human Security Act o Anti - Terror Law ay naglalayong maprotektahan ang mga mamamayan laban sa lumalaganap na terorismo sa bansa. Dahil sa pagraratipika ng batas na ito noong ika-6 ng Marso 2007 (implementasyon noong ika-15 ng Hulyo 2007), sinasabi ng administrasyon na ito ang magiging solusyon sa terorismong idinudulot ng mga grupong tulad ng Abu Sayyaf at pandaigdigang teroristang grupong al-Qaeda. Ngunit ang batas na inihain ng gobyerno ay sadyang malabo. Ang ibig sabihin ng terorismo ayon sa kasalukuyang administrasyon ay ang paghahasik at paglikha ng kondisyon ng malaganap at kakaibang takot at pangamba sa populasyon.

Sa inilatag na depinisyon ng terorismo, napakalaki ng kalabuan na ipinapahiwatig nito. Una, dahil maraming butas ang batas na ito, maaaring ang mga simpleng bagay ay maaari ng tawaging terorismo. Halimbawa ng matatawag na terorismo ay ang mga normal na rally. Kapag ang mga rally nito ay sabihin ng naging isang riot o gulo, maaari ng ikulong ang mga raliyista o di kaya’y mas masaklap ay ang pagpigil sa mga raliyista gamit ang dahas.

Pangalawa ay ang paghuli sa mga hinihinalang suspek ng terorismo na walang ibinibigay na piyansa sa mga ito. Tinatanggalan din ang mga suspek ng due process (ito ang karapatan ng isang indibidwal na magkaroon ng tamang proseso ng isang kaso tulad ng pagkakaroon ng “right to remain silent” at “right to have an attorney”) at presumption of innocence (ito ang pagbibigay karapatan sa mga taong naakusahan ng krimen na sila ay inosente pa hangga’t hindi pa nakakapagdesisyon ang korte) na tumataliwas sa Bill of Rights ng Konstitusyon ng Pilipinas. Ayon sa administrasyon, ang dahilan nila sa pagdadagdag ng batas na ito sa laman ng Human Security Act ay dahil ang mga pinaghihinalaang terorista ay maaaring makapaghain ng piyansa. Kung saka-sakaling ang mga pinaghihinalaang indibidwal ay tunay na terorista at nakapaghain ng piyansa sapagkat hawak sila ng kanilang organisasyon at kayang sustentohan ang pagpapiyansa, ang mga teroristang ito ay malayang makakaalis at maaari ng magtago o di kaya’y pumunta sa lugar na hindi abot ng kapangyarihan ng bansa. At kung magbabase sa Penal Code of the Philippines, mababaw lamang ang nakasaad na parusa sa mga pinaghihinalaang terorista. Sa kabilang dako, dahil nga malabo ang kriterya ng pagiging terorista, ang mga mapaghihinalaan mapa-may sala man o wala, ay magdudulot din ng takot sa mga tao sapagkat ito ay isang uri ng pagpapawala ng karapatang makapagsalita o freedom of speech na nakasaad sa bill of rights sapagkat kapag ang mga inihaing pahayag na may kinalaman sa paglaban sa gobyerno ay maaaring tawaging akto ng terorista sapagkat ayon din sa gobyerno ay ginugulo nito ang katiwasayan ng mga mamamayan sa mga pahayag na magdudulot sa mga rali at kung minsan ay kudeta. Ang ipinapakita ng parte ng batas na ito ay ang pagiging di-makatarungan ng batas sapagkat lahat ng mamamayan ay kasama sa maaaring mapagbintangan.

Pangatlo ay ang pagmamatiyag ng gobyerno sa mga sirkulasyon ng komunikasyon sa bansa lalo na ang mga taong pinaghihinalaang terorista. Ayon sa batas, ang sirkulasyon ng komunikasyon na nabanggit ay ang pagmamatiyag sa daloy ng komunikasyon ng cellphones at computers (mail, networks at internet). Ginagamit ding midyum ito upang malaman ang lokasyon ng kanilang target at dahil dito, nawawalan ng bisa ang right to privacy ng mga mamamayan na nakasaad ulit sa bill of rights ng Pilipinas.

Kung titingnan natin ang kasalukuyang pangyayari, sinasabi ng Pangulo na may mga planong distabilisasyon upang pabagsakin ang kanyang administrasyon. At sa mga nakasaad na batas sa Human Security Act, ang mga nagbabalak na magsimula ng mga distabilisasyon ay napigilan at may karampatang kaso at parusa. Ang ipinapahiwatig marahil ng pangyayaring ito ay ang nagpapakita na may pinapanigan ang batas. Pero kung ang anggulong titingnan ay ang neutral o walang kinikilingan, ang pagpapatupad ng batas na ito ay ang sagot ng bansa sa lumalaganap na terorismo sapagkat hindi lang naman ang Pilipinas ang nagpatupad ng batas na ito. Ayon kay Bb. Athena Gardon na aming nakapanayam hinggil sa mga isyung tumatalakay sa batas na ito, pati ang France, Australia, Britain at iba pang mga bansa ay nagpatupad na ng ganitong batas. Kung hindi ito ipapatupad ng Pilipinas, ang estadong ito ay papamahayan ng samu’t-saring terorista sapagkat ito lang ang lugar na walang batas na naglalayong pabagsakin ang mga indibidwal na ito. Ang dahilan ng mga taong nagrereklamo at nag-aalsa laban sa pagpapatupad ng Human Security Act ay hindi maaaring itulad sa ibang bansa sapagkat mayroong malisya sa pagpapatupad nito sa termino ni Pangulong Arroyo sapagkat marami na ring ginawa ang presidente upang mapahaba ang termino o di kaya’y pigilan ang mga kumakalaban sa kanya na kung saan ang batas ay mismong kumakatawan sa ginawa ng Pangulo na protektahan ang sarili.

Sa pagtatapos, ang Republic Act No. 9372 o Human Security Act ay nag-iwan ng napakaraming kontrobersiya at nakatiwang-wang na isyu na nagbibigay ng napakaraming tanong sa mga mamamayang saklaw sa batas na ito kung ito ba ay makabubuti sa kanila o di kaya’y makasasama. At dahil sa ang batas ayon sa perspektibo ng nakararami’y karamihan ay nakasasama, ang batas mismo ang naging terorista na nagbibigay takot sa mga mamamayan.

Pinagsanggunian:

Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), Hunyo 2007. Batas Anti-Terorismo – Resipi para sa Di-deklaradong Batas Militar mula sa http://www.bayan.ph.

AGHAM, 2007. State Surveillance and the Human Security Act of 2007

Del Rosario, Lance

No comments: