Saturday, August 18, 2007

Human Security Act, sagot o salot?

By: Cherry Ahve M. Suarez

Noong ika-6 ng Marso taong 2007, pinirmahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Republic Act No. 9372 o ang Human Security Act of 2007 kung saan opisyal niyang idineklara na ito ay isang batas. Ika-15 ng Hulyo taong 2007 naman sinimulan ni PGMA ang implementasyon ng batas na ito. Nilalayon ng batas na ito na protektahan ang mamamayan, kalayaan, at mga pag-aari ng bansang Pilipinas laban sa terorismo. Kinokondena nito ang terorismo bilang isang krimen at labag sa karapatang pantao ng mga Pilipino. Ayon sa panayam naming kay Athena Gardon, isang Political Science na estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas, Maynila, ang HSA daw ay hindi lamang dito sa Pilipinas, kundi marami nang naunang bansa ang nagpatupad nito. Kabilang na rito ang France, Australia, Britain at iba pang mga bansa. Ang nagbunsod sa mga bansang ito upang ipatupad ang nasabing batas ay dahil sa pangyayari noong ika-11 ng Setyembre taong 2001. Nabahala ang maraming bansa noon kaya naman nabuo ang batas na ito. Taong 2005 ay ipinasa ito ni Juan Ponce Enrile at kamakailan lang ito naaprubahan at hanggang ngayon ay marami pa ring tanong ukol dito.

Masasabi nga kaya natin na ang batas na ito ay maganda? Maraming kabutihan ang maaaring idulot nito sa mamamayang Pilipino. Marahil ay marami ang mag-iingat na sa paggawa ng anumang ikababahala ng kapwa. Ang terorismo ay magiging kasalanan na sa ating bansa kung kaya’t liliit naman siguro ang bilang ng mga kaso hinggil sa terorismo. Malamang ay magiging tahimik na rin ang Pilipinas sapagkat matatakot na silang gumawa ng krimen. Subalit, ito nga lang ba ang tanging maidudulot ng batas sa atin, lahat ay mabubuti at magaganda? Syempre hindi. Marami rin ang naidudulot nitong masama. Kabilang na rito ang maaaring agrabyado sa posibleng pagkakamali kapag ikaw ay mahuli o mapagbintangan. Hindi naman yata madali ang makulong nang walang kasalanan. Ang sinasabing “A person is innocent until proven guilty” ay walang epekto sapagkat dahil naipasa na ang batas na ito, maaari nang arestuhin ang kahit sino na nagdudulot ng takot sa kanyang kapwa. Bukod dito, ang batas na ito ay lumalabag sa karapatang pantao. Maaaring wala nang maging privacy ang mga Pilipino dahil kahit anong oras ay maaari silang sumailalim sa wiretapping kapag pinaghihinalaan na sila. Ngunit kapalit naman ng pagkakakulong ng walang kadahilanan, o kapag napagbintangan siya ay babayaran naman siya sa halagang limandaang libong piso ( P 500, 000) sa bawat araw na siya ay nakakulong.

Ang lahat ng mamamayan ay subhektibo na maaaring makulong kapag nagdudulot ng takot sa ibang tao, maliban na lang sa gobyerno at CIA. Hindi ba’t ito ay masyadong maraya sapagkat hindi lamang naman tayong mga mamamayan ang maaaring akusahan ng terorismo? Sa lumabas na scandal ni Pangulong Arroyo kaugnay kay dating COMELEC Commissioner Virgilio Garcillano, ito ay hindi naging legal dito noon sapagkat ipinagbabawal pa noon ang wiretapping sapagkat ito nga ay labag pa sa karapatang pantao noon.

Ang terorismo ay masyadong malawak upang maunawaan ng marami ang tunay na kahulugan nito. Maaaring para sa iba, ang terorismo ay kahit anong gawain na nagdudulot ng takot sa ibang tao. Maaari namang ito ay kasing lantad ng terorismo noong 9-11. Masyasong malawak ang terminong ito at maraming pumapaloob dito. Ang mga kasong nagpapakita ng economic sabotage ay maituturing din namang terorismo. Ilan dito ay ang pangyayari sa Philippine Airlines nang magsagawa ng strike ang mga empleyado dito dahil hindi ibinigay ang 13th month pay nila. Ang nangyari sa Hacienda Luisita ay maituturing din na terorismo. Ang mga strike ng mga estudyante sa kani-kanilang paaralan kung saan nagdudulot din naman ng takot ay isang terorismo din kung susundin lang ang kahulugan ng terorismo na masasabi kong vague.

Ang Human Security Act na naglalayon na protektahan tayong mamamayan ng Pilipinas, ay masasabi nga kayang sagot sa kaguluhan, o salot sa lipunan? Sapat na nga kaya ang mga kabutihang dulot ng batas na ito upang mapagtakpan ang mga negatibong epekto nito? Ang batas bang ito ay makapipigil talaga ng terorismo sa bansa natin? Magdadala nga ba ito ng kapayapaan at pantay na sistema dito sa Pilipinas? O ito kaya ay isang pagbabalat-kayo ng ating gobyerno upang makapagdahilan sila at makagawa na naman ng mga kasamaan? Sa pagpirma nga kaya ni Pangulong Arroyo upang maging batas na ang R.A. 9372, nangangahulugan nga kaya ito na matatahimik na nang tuluyan an gating bansa, o kabaligtaran nito’y lalo tayong magkakagulo sa iba’t-ibang dahilan? Ito ay ilan sa mga katanungang bumabagabag sa akin hinggil sa isyung ito at malamang, ang ibang mga mamamayan din ng Pilipinas ay ganito rin ang tumatakbo sa isipan nila.

Iba-iba ang takbo ng isip nating mga Pilipino. Kahit ako ay hindi ko masagot ang katanungan na inihayag ko sa simula pa lang sapagkat parehong may punto ang magkabilang panig. Alam kong ang iba ay nakumbinsi ko sa aking mga ipinahayag at ipinresenta na mga datos at alam ko din namang may ilan na hindi nagkatugma ang aming iniisip. Magkagayon man, iniiwan ko na sa inyo ang pagkakataon. Kayo na ang bahalang magdesisiyon: Human Security Act, sagot o salot?



Pinagsanggunian: http://philippinecommentary.blogspot.com/2007/03/human-security-act-of-2007.html

No comments: